Ibahin ang Paksa?
Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan
sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon
Ang halaga ng tula ay sinusukat sa sugpungan ng rebolusyong pangkultura at sistemang malakolonyal at malapyudal, ng rebolusyong pangkultura at digmang bayan, ng rebolusyong pangkultura at sosyalistang konstruksyon; sa maikling salita, sa sugpungan at ugnayan ng kultura at pulitika. At alam na natin kung alin ang mapagpasya.
BY Gelacio Guillermo
Posted by Bulatlat
Sa pandaigdigang kumperensya tungkol sa globalisasyon at terorismo na inisponsor ng National Council of Churches of the Philippines noong 2002, sinabi ng isang progresibong Amerikanong intelektwal na sa pamamagitan ng gera laban sa terorismo, tangka ng Estados Unidos na “ibahin ang paksa.” Anya: “Sa halip na mag-usap tungkol sa hustisyang panlipunan at pang-ekonomiko at kung paano itayo ang pandaigdigang pakikipagkapatiran sa mahihirap at dinudusta, ang mga gobyerno sa daigdig ay hinihila sa krusada laban sa masasamang gobyerno, yaong itinuturing ng White House na mga rehimeng hindi katanggap-tanggap. Ang ibig sabihin nito, ang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan ay kailangang maging pakikibaka rin laban sa pagpapatindi ng militarisasyon at paggamit ng dahas para ipataw ang isang bagong kaayusang pandaigdig na nasa kontrol at gabay ng Estados Unidos.” (William K. Tubb, “Globalisasyon: Pagkamkam sa Yaman at Kapangyarihan ng Mundo”)
Sa ating bansa, ang “pag-iiba ng paksa” ay nangangahulugan hindi lamang ng pagtalikod kundi ng pursigidong pagdurog ng mga naghaharing uri sa mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan. Sa pamamagitan ng Medium-Term Development Program (MTDP) (1993) na inilatag ng noo’y Presidenteng Fidel Ramos, sinasagkaan ang panawagan para sa pambansang industrialisasyon at tunay na reporma sa lupa (“makitid na nasyunalismo” ang turing in Ramos sa panawagn) para ipa-lapa ang pambansang ekonomya sa imperyalistang globalisasyon. At ikalawa, sa pag-apruba ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ACSA ng rehimeng Joseph Estrada noong 1999, ng Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) noong 2002 at ng Anti-Terror Bill sa malapit na hinaharap bilang pagsunod ng rehimeng Arroyo sa doktrina ng Estados Unidos, mangangahulugan ng direktang panghihimasok ng mga Amerikanong militar at ng Coalition of the Willing sa gerang sibil o pambansang kilusang mapagpalaya sa ngalan ng imperyalistang gera laban sa terorismo. Ibinabadya ito sa pagkakategorya kay Jose Ma. Sison at ng PKP/BHB bilang mga “foreign terrorist organization/individual” ng State Department, at sa paglilista ng mga militanteng organisasyong masa, party list at NGOs bilang kaaway ng estado sa video documentary, “Know your Enemy” (2004), na inihanda ng Armed Forces of the Philippines bilang gabay sa pagkilos ng mga pwersa nito laban sa naturang mga organisasyon at indibidwal.
Ang Paksang Pambansa-Demokratikong Bagong Tipo
Mahigit 40 taon na nang itakda ng rebolusyonaryong kilusan ang paksa o programa o adyenda para sa pundamental na pagbabago sa ating lipunang malakolonyal at malapyudal. Ang pagharap sa ganitong paksa ang ikinaiba nito sa mga kilusang rebisyonista at reaksyunaryo at sabihin pa’y sa lahat ng instrumento ng kapangyarihang pang-estado at ng naghaharing sistema. Mula’t sapol at hanggang sa kasalukuyan, ang pagsusulong sa paksa ay hindi isang madaling gawain dulot ng maraming kadahilanan; sapat nang sabihing ang mga sagkang ito ay hindi lang mula sa labas ng kilusan kundi maging sa loob nito, tulad ng paglihis sa batayang linya at malalaking kamaliang nakapinsala sa takbo nito noong dekada otsenta ng nakaraang siglo. Gayunman, noong taong nakaraan (2004), buong kumpyansang ipinahayag ng pamunuan ang pag-iral ng “the other government” sa mismong tungki ng ilong ng kaaway.
Ang kawastuhan at kahalagahan ng paksa ng rebolusyong pambansa-demokratiko at kasunod na rebolusyong sosyalista para sa mamamayan ay pinatutunayan araw-araw sa kanilang buhay at pakikibaka sa ilalim ng nangakaraang rehimen at kasalukuyang rehimeng US-Arroyo. Sukatan ang matatag, malalim at malawak na pag-unlad ng digmang bayan at hayag na kilusang masa sa lunsod at nayon ng kanilang paglahok at pagsuporta sa rebolusyong pulitikal.
Rebolusyong Pangkultura
Ang rebolusyong pulitikal ay praktika ng pag-agaw sa kapangyarihang pang-estado para pagsilbihin sa pagsusulong ng interes ng mamamayan sa lahat ng larangan ng paggugubyerno at buhay panlipunan. Kaagapay nito at may sariling kaangkinan ang rebolusyong pangkultura. Sa karanasan ng kilusang pambansa-demokratikong bagong tipo, inumpisahan ang rebolusyong pangkultura sa anyo ng kilusang propaganda bago pa man ilunsad ang rebolusyong pulitikal sa anyo ng matagalang digmang bayan, at nagpapatuloy at nakapakat sa kondukta ng digmang bayan at hayag na kilusang masa na kaipala’y hindi nawawala ang kaangkinan ng rebolusyong pangkultura bilang isang malawakang kilusan sa buong lipunan sa loob at labas ng organisadong pormasyon. Totoong kumplikado ang rebolusyong pangkultura batay sa teorya at praktika nito sa dating Unyong Sobyet at dating sosyalistang Tsina, kung kaya marahil ipinanukala ni Sison sa kanyang artikulo, “Ang Ating Tindig tungkol sa Sosyalismo” (1992) na masinsing pag-aralan ang proyektong ito dito at sa ibang bansa.
Para sa layunin ng talakayang ito, sapat nang tiyakin ang katangian ng rebolusyong pangkultura sang-ayon sa praktika ng rebolusyonaryong kilusan, una, bilang instrumento sa paghahanda sa kalooban ng mamamayan para sa pagbabago at maging bahagi ng pakikibaka tungo sa pagbabagong ito. Ikalawa, sa mauunlad na lugar sa mga larangang gerilya, kung saan nakatatag na ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pulitikal ng mamamayan, tungkulin ng rebolusyong pangkultura ang pag-aayon ng kalagayang suhetibo o ang paraan ng pagtingin sa realidad, at ng kalagayang obhetibo, o ang pagbabagong material sa kapaligiran. At ikatlo, sa isa namang mas malawak na pagtingin, ang rebolusyong pangkultura ay ang suhetibong proseso ng pagbaklas sa mga gawing burges at pyudal para tanggalan ng suportang kultural ang lumang kaayusan sa ekonomya at pulitika. Halimbawa nito ang tinatawag ng mga makata ng KM 64 na “pagdurog sa pader ng kabulaanan” (Manipesto 2004)
Panulaang Progresibo, Rebolusyonaryo
Nakapusisyon ang progresibo at rebolusyonaryong panulaan bilang partikular na aksyong pangkultura sa anumang antas ng pagpapahalaga sa rebolusyong pangkultura. Taglay ng seksyong ito ng panulaang Pilipino ang paksa ng pambansang pagpapalaya at demokrasya mula pa noong dekada sisenta hanggang sa kasalukuyan sa harap ng mga pagbabago sa timbangan ng rebolusyon at kontrarebolusyon at sa pangkalahatang kalagayan sa pulitika, ekonomya at kultura ng lipunan. Tulad ng mga nauna, ang mga bagong makata ay mula sa hanay ng mga kadre, Pulang mandirigma, organisadong manggagawa at magbubukid, kabataang aktibista, at kaalyado mula sa panggitnang pwersa.Ang kanilang mga likha ay nalilimbag sa mga sentral na publikasyon ng kilusan at pahayagang masa sa rehiyon, sa mga tsapbuk, polyeto, website at blog at sa mga seksyong pangkultura ng mga alternatibong ahensya sa pagbabalita. Malaganap ang paggamit ng Pilipino at mga wika sa rehiyon, samantalang mangilan-ngilan na lamang ang mga tulang nasusulat sa Ingles. Binabasa nila ang kanilang mga tula sa mga pagtitipon, halimbawa’y sa mga piketlayn, rali at iba pang pagtitipon. Sa ilang hayag na babasahin, hindi na kakatwa ang pagsasama-sama ng mga tula mula sa mga sonang gerilya at kalunsuran, ng mga organisado at di organisado, at paminsan-minsa’y ng mga kabataan at matatandang makata. Ang porma ng mga tula’y maaaring sa malayang taludturan o may tugma’t sukat, may parikala o wala, humihiyaw o mapaglimi. Ginagamit nila ang kolektibong pagsusulat tulad ng rengga (Indonesia) o ang kaparaanan ng pangkaraniwan nilang gawain, tulad ng pagtuturo ng alpabeto o political economy o ng pagtatala ng datos sa panlipunang pagsisiyasat.
Sa mga makabayang makatang nakabase sa lunsod, katangi-tangi ang mabilis nilang pagtugon sa maiinit na usaping hinaharap ng mamamayan sa araw-araw. Katulong sa pagbubuo ng kanilang mga tula ang mga impormasyong nakakalap sa masmidya, sa mga organisasyong pulitikal, pagmamasid sa kapaligiran at sa kanilang sariling karanasan sa pagkilos. Dagdag na init sa damdamin at pagkilos ang kanilang mga tula sa malawakang mga kampanya sa mga unang taon ng siglong ito, tulad ng kampanya laban sa pambobomba at okupasyon sa Iraq ng mga pwersang militar ng Estados Unidos at ng Coalition of the Willing, kasama na ang Pilipinas; sa pamamaslang ng mga lider at kasapi ng mga militanteng organisasyon at unyon ng mga manggagawa at magbubukid (tulad ng sa Nestle at Hacienda Luisita), at mga peryodistang nagsisiwalat ng katotohanan; sa ilihitimong paghahari ni Gloria Arroyo; sa gang rape sa isang Pilipina ng mga sundalong Amerikano sa Subic, at sa VFA na muling nagbibigay-laya sa mga dayuhang sundalo na yurakan ang pambansang soberanya; sa imposisyon ng E-VAT, at iba pang mga problemang iniuugat sa pamumuno ni Arroyo.
Tugong Taktikal ng Panulaan
Ang ganitong pagtugon ay maaaring tawaging TPR (Tactical Poetry Response o tugong taktikal ng panulaan) sapagkat umaayon sa layunin ng mobilisasyon ng mga pwersa sa aktwal na kampanya. Ang panulaang ito ay nakaakma sa aksyong masa, diretso sa paksa at panawagan, palasak at malawak ang mga imahen, idea, damdamin at diwa. Pangunahing halimbawa nito ang matatawag na mga tula ng lansangan sa lunsod at nayon, tulad ng “Kalatas sa Nag-uumulul na Tanda ng mga Panahon” ni Noel Sales Barcelona para sa kampanyang “Oust Gloria,” at ng “Mga Bukas na Liham sa Hacienda Luisita” ni Alexander Martin Remollino para sa kampanya ng mga manggagawa at magbubukid sa Hacienda Luisita. May iba rin namang mga katangian ang ibang mga tula sa TPR, tulad ng pamamayani ng ironya sa mga tula in Rustum Casia (“Posterized,” “Luisita”) at Ronalyn Olea (“Hacienda Luisita”), o ng pagkonsentra sa isang detalye sa “Masaker” ni Usman Abdurajak Sali, o ng malawig na pagbubuo ng parikala sa “Mga Paru-paro sa Azucarera” ni Kristian Cordero.
Tugong Istratehiko ng Panulaan
Ang isa pang tipo ng pagtugon ay maaaring tawaging SPR (Strategic Poetry Response o tugong istratehiko ng panulaan). Ang mga tula sa kategoryang ito ay tumutugon sa pangangailangan ng malawakan at matagalang paghahanda at pagpapaunlad ng lahat ng pwersa para tiyakin ang kaligtasan at tagumpay ng kilusan. May kagyat na mga okasyong nakapaloob sa malalaking proyekto tulad ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo, paggugubyerno, o hayag na kilusang masa, o kaya’y mga okasyon sa pagdiriwang sa mahahalagang araw ng kilusan, o kaya’y sa pulong-masa, iskuling, kasalan, luksang-parangal, sesyon sa pagpuna-at-pamumuna-sa-sarili at iba pa. Nagbibigay-daan ang mga okasyong ito para makalikha ng mga tulang ang kahalagaha’y lumalampas sa pangangailangan ng partikular na okasyon at mangyaring may paulit-ulit na paggamit sa mahaba-habang panahon.
Alam natin ang nilalaman at porma ng ganitong panulaan mula pa sa umpisa: ito ang mga tula nina Andres Bonifacio, Jose Corazon de Jesus, Amado Hernandez, Jose Ma. Sison, Wilfredo Gacosta, Emmanuel Lacaba at iba pa, mga tulang hanggang ngayo’y nananatiling makahulugan para sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan. Ang ganitong mga tula ay nakatuon sa pagpapatatag at pagpapalawak ng mga pwersa para sa matagalang pakikibaka. Sa kasalukuyang siglo, mababanggit ang mga bagong likha sa nayon at lunsod, tulad ng “Binabago ng Partido ang Lahat” ni Ka Dario, ang “Paglingkuran ang Sambayanan” ni Ka Joven o ang “Tres/Otso sa Ikatatlumpu” ni Mario Ruso.
Ang iba namang tula ay nakabatay sa indibidwal na karanasan at pagmumuni-muni ng mga makata. Karaniwa’y likha ng mga pwersa mula sa uring burgis at petiburgis: matalas ang pakiramdam sa kanilang bagong kapaligiran at karanasan, laging handang matuto at magbago at sa tuwina’y sinusukat ang sukdulan ng kanilang pagmamahal at paninindigan. Nasa kategoryang ito ang mga tulang “Pag-aaral sa Oras,” “Ang Pakikipagkamay” at “Wika” ni Ting Remontado, ang “Tula’t Awit” at “Pasalubong” ni Sonia Gerilya, ang “Datos ng Buhay” ni May Amor, at ang “To my first-born” ni Ka Pinay; at sa kalunsuran, ang simponya ng pamimighati at pananagumpay, ang “Kasama” ni Oliver Ortega.
Isinasama rito bilang eksibit ang teksto ng dalawang tula, ang “Walang Pag-aari” ni Sikhay Laya at “Datos ng Buhay” ni May Amor bilang halimbawa ng SPR. Kapwa sila tungkol sa pag-aaral/pagtuturo sa hanay ng mga manggagawa at magbubukid, mga tulang naglalarawan ng pedagodyi at pagsusuring panlipunan para sa edukasyon at pagkilos ng mga uring api para sa isang maaliwalas na kinabukasan.
Sa labas ng paradaym ng TPR at SPR ay umiiral ang dalawang uri ng panulaan. Sa isang dulo ay ang misterium tremendum ng panulaang hermetiko, at sa kabilang dulo naman ay ang mga tulang sumasalipawpaw sa sub specie aeternitatis!
Patay na ang Panulaan?
Noong Agosto 24 ng taong nakaraan (2004), sa isang simposyum para sa Buwan ng Wika tungkol sa panulaang Filipino na itinaguyod ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at Oragon Poets Circle, sinabi ng panauhing tagapagsalitang Fidel Rillo na patay na ang kontemporaryong panulaan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Sinang-ayunan ito ni Virgilio Almario, at sinisi ang mga kritiko dahil hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang tagapamagitan sa makata at odyens.
Marahil, ang ganitong panggugulantang ay isa lang probokasyon dahil sila mismo’y sikat na mga makatang patuloy na naglalabas ng kanilang obra. Hindi naman siguro lingid sa kanila, halimbawa, na noong 2002, ilandaang makatang Amerikano ang nagsumite ng ilanlibong tula sa US Congress na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa pambobomba at okupasyon ng kanilang gobyerno sa Iraq. Sa ating bayan, hindi rin kaila sa kanila ang ilandaang tulang nalikha, nalimbag at naitanghal bilang ambag sa mga kampanyang masa (na sa ilang pagkakataon kamakailan ay nilahukan nila). Noong 2002, 2003 at 2004, idinaos ang malalaking pagtatanghal tungkol sa buhay at panulaan nina Amado V. Hernandez at Jose Ma. Sison. Noong 2002, pinamunuan mismo ni Almario ang Asia-Pacific Conference-Workshop on Indigenous and Contemporary Poetry bilang pagkilala sa umiiral na panulaan sa rehiyon.
Pero sa hindi sinasadya’y natukoy nila ang isang epekto ng rebolusyong pangkultura, na walang iba kundi ang unti-unting pagpawi ng mga gawi sa pag-iisip at pagkilos na humahadlang sa pagsusulong ng mga pagbabago sa lipunan. Tinangkang salungatin ni Almario ang ganitong pagsulong ng rebolusyong pangkultura noong 1982 (“Ang Makata sa Albanya: Isang Pagsusuri sa Tulang Makabansa”) at inulit noong 2000 (“Kapag Isinangkot ang Pagtula: Ang Panulaang Filipino tungo sa Bagong Milenyo”). Sa panulaang Pilipino, si Almario ang tagabandila ng “pag-iiba ng paksa.” Hindi lang iyan: siya ang pangunahing tagatuligsa ng kasalukuyang panulaang bahagi ng tinatalikuran/pinagtataksilan niyang “mahabang tradisyon ng panlipunang pakikisangkot ng panulaang Filipino.”
Ano ba ang halaga ng tula sa lipunan? Ipinaliwanag na ito nina Lenin, Mao Zedong at ng makatang Aprikanong Aime Cesaire, at nitong huli’y ng Latinong Amerikanong manunulat na Eduardo Galeano, na nagwika: “Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog. Sa palagay ko, isa ring kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.”
Ang halaga ng tula ay sinusukat sa sugpungan ng rebolusyong pangkultura at sistemang malakolonyal at malapyudal, ng rebolusyong pangkultura at digmang bayan, ng rebolusyong pangkultura at sosyalistang konstruksyon; sa maikling salita, sa sugpungan at ugnayan ng kultura at pulitika. At alam na natin kung alin ang mapagpasya. Ganito, sa palagay ko, ang ibig iparating ng rebolusyonaryo-makatang Ting Remontado sa kanyang awit:
Kaya nga’t buhay mismo ay alay
Di lang luha, sigaw, tula at awit
Himala at pangako’y wala ang langit
Sa harap ng dahas buhay makakamit
Kaya nga’t alay mismo ang buhay
Ngayo’y di na kaila sa akin kung bakit
(“Dahil”)
Posted in Bulatlat http://www.bulatlat.com/
Binasa noong 18 Nobyembre 2005 sa “Asintado: Ang Makata sa Panahon ng Krisis” sa Bulwagang Rizal, U.P. Faculty Center. Inisponsor ang simposyum ng KM64.
Ang mga tulang binanggit ay matatagpuan sa: Ulos, Antolohiang 40: Mga tulang alay sa mga martir na kabataan, tsapbuk at manipesto ng KM 64, at Anahaw, mga tula, salin at awit nina Sonia Gerilya at Ting Remontado.