Sino ang hindi nakapaglakbay? Sino ang hindi nawiwili sa mga paglalakbay sa mga ito'y siyang pangarap ng kabataan sa unang pagkaalam niya ng kahalagahan ng buhay, sa ang mga paglalakbay ay isang aklat para sa mga may sapat na gulang, kapag ang paglulunggati ng karununga'y siyang kinaaabalahan ng diwa, at sa wakas, ang mga paglalakbay ay siyang huling pahimakas ng matatanda kapag nagpapaalam sa daigdig upang tumahak sa lalong pinakamahiwagang landas?

Friday, September 14, 2007

Alaala

Mga Alaala ng Unang Araw Bilang Kadre sa Nayong Tinubuan

Wilfredo Gacosta
Enero 1972


mga kilalang mukha
ang ngayo"y kaharap ko...
mga dating batang gusgusin,
sunog ang balat
sa init ng araw,
pinaalat ang pawis
ng simoy ng hangin
mula sa dagat Pasipiko.
ang kanilang tapang ang sa aki'y maagang nagturo
na pangahasang bagtasin ang rumaragasang ilog.
sila ang katulong
sa pagtatayo ng mga munting kastilyong
baybay, kahawak-kamay sa pakikipaghabulan
sa mga along sumasalpok
sa mahabang dalampasigan.
ang nakatutulig nilang kantyaw
ang sa aki'y nagpaiyak
nang mahulog ako sa kalabaw.
kaibigan ko silang matalik
laban sa sanlibong mayang nagnakaw
sa mga buntis na butil
sa ginintuang palayan.
sila'y aking kadamdamin
sa paghanga sa payak na ganda
ng panauhing dilag
sa napipintong anihan,
karamay sa munting ligaya
at sanlibong hapis
sa loob ng dukhang bakuran.
ngunit ang mga titig nila ngayon
ay mga di kilalang titig...
ako ba'y dayuhang dapat layuan?
isa bang kataksilan
ang bumigkas ng mga bagong kataga
at umawit ng mga bagong himig
ng namulat na alipin?
a, sa isang kisap-mata,
mababalikan ang lumang pakikisama.
datapwa't dapat na lamang bang panoorin
ang malayong tanawin
ng makabagong pagkakaibigan?
a, pupungay rin ang kanilang mga titig
sa ningning ng paglaya.
titibok din sa kanilang puso
ang alab ng paghihimagsik.
sapagkat kaibigan ko sila sa pagkaalipin,
makakasama ko sila sa paniningil!
at hihigpit
ang magkahawak na kamay sa pagtatanod
sa laot at dalampasigan,
ang panunukso ay magiging pag-uusig
sa mga mangangalabaw,
hahaba ang hanay na haharang
sa mangangamkam,
at sa iisang himig ay ipagbubunyi
ang bawat tagumpay!

0 Comments:

Post a Comment

<< Home